Abad hindi aalis, DAP inako
MANILA, Philippines - Matapos tanggihan ni Pangulong Aquino ang kanyang pagbibitiw, inihayag kahapon ni Budget Secretary Butch Abad na hindi na siya aalis sa puwesto at mananatili na lang sa Department of Budget and Management.
Ayon kay Abad, bagaman at nakahanda talaga siyang iwanan ang kanyang puwesto, nagpapasalamat siya at patuloy na nagtitiwala sa kanyang liderato sa DBM ang Pangulo kaya hindi na rin siya aalis.
Inihayag pa ni Abad na pinag-isipan niyang mabuti ang paghahain ng kanyang resignation noong nakaraang Huwebes sa gitna ng kontrobersiya tungkol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Supreme Court na unconstitutional.
Inaako niya ang buong responsibilidad sa pagbuo at pagpapatupad ng DAP kaya minarapat niyang siya ay magbitiw pero hindi naman tinanggap ng Pangulo.
Ipinaliwanag pa aniya ng Pangulo na ang pagtanggap sa pagbibitiw ni Abad ay nangangahulugan na nagkamali ang kalihim gayong naging kapaki-pakinabang naman umano ang DAP.
Dagdag ni Abad na determinado siya na patunayan na tama ang naging pagtitiwala ng Pangulo sa kanyang integridad at kakayahan.
“I am determined, as I have always been, to do justice to the President’s faith in my integrity and competence,” ani Abad.
- Latest