MANILA, Philippines - Naghain ng kanyang resignation kahapon si Budget Secretary Butch Abad sa gitna ng mainit na isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara kamakailan ng Korte Suprema na unconstitutional.
Pero agad ibinasura ni Pangulong Aquino ang tangkang pagbibitiw ni Abad.
“Yesterday, Secretary Abad gave me a letter tendering his resignation from the Cabinet and I have considered the same and I have decided not to accept his resignation,” pahayag ng Pangulo bago magsimula ang Cabinet meeting para talakayin ang panukalang 2015 national budget sa Palasyo.
Ayon sa Pangulo, walang dahilan para tanggapin niya ang pagbibitiw ni Abad dahil lamang sa DAP dahil wala itong ginawang masama para sa bayan kundi napakinabangan pa nga ng mamamayan ang magandang epekto ng DAP.
Sabi pa ni PNoy, maging ang mga mahihigpit na kritiko ng administrasyong Aquino ay kinikilala na nakinabang ang mga mamamayan sa DAP kaya’t kung tatanggapin niya ang pagbibitiw ni Abad ay para na rin niyang tinanggap na mali ang gumawa ng tama.
“Even our most vociferous critics grant that DAP has benefited our people. To accept his resignation is to assign to him a wrong and I cannot accept the notion that doing right by our people is a wrong. Therefore, I have decided not to accept his resignation and I think the whole Cabinet should be made aware of this,” wika pa ng Pangulo.
Naging madamdamin at halos napaiyak naman si Abad habang nagpalakpakan ang mga miyembro ng Gabinete matapos ang pahayag ng Pangulo maliban kay Vice-President Jejomar Binay na hindi pumalakpak.
Matatandaan na lumalakas ang panawagan ng iba’t ibang grupo na magbitiw na o sibakin sa puwesto ng Pangulo si Abad dahil sa kontrobersiyal na DAP kasabay nang paghain ng impeachment case laban sa Pangulo sa Kongreso at pagsampa ng plunder case laban sa Budget secretary sa Ombudsman.
Samantala, itinanggi ng Malacañang na nag-walk-out sa Cabinet meeting kahapon si Executive Secretary Jojo Ochoa.
Una nang lumabas ang mga report hinggil sa umano’y hindi pagpirma ni Ochoa sa mga dokumentong may kinalaman sa DAP at dumirekta raw si Abad kay Aquino para papirmahan.