MANILA, Philippines — Pormal nang nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation sa 20 miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity kasunod nang pagkamatay ng kanilang isang neophyte na si Guillo Servando.
Pawang mga miyembro ng Tau Gamma Phi-De La Salle (DLS) chapter ang mga suspek sa pangunguna ni Cody Errol Morales na tumayo bilang pinuno ng paksyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law matapos masawi ang 18-anyos na DLS-College of Saint Benilde nitong Sabado habang isinagawa ang initiation rites sa isang bahay sa lungsod ng Makati.
Kaugnay na balita: Look out order vs Tau Gamma inilabas
Nakilala pa ang iba pang suspek na sina Esmerson "Emeng" Calupas, Jomar Pajarito, Kurt Michael Almazan, Luis Solomon Arevalo, Carl Francis Loresca, Hans Tatlonghari, Eleazar "Trex Garcia" Pablico III at John Kevin Navoa.
Kasama rins a kaso sina Vic Angelo Dy, Mark Ramos, Mike Castañeda, Tessa Dayanghirang, Yssa Valbuena at alyas Rey Jay at Kiko.
Isang Daniel Paul Bautista naman ang tumayong medic na sinubukang isagip ang buhay ni Servando.
Samantala, nauna nang sinabi ng Bureau of Immigration na nakalabas na ng bansa si Navoa, Calupas, Tatlonghari at Pablico.
Kahapon ay naglabas ng lookout bulletin ang Department of Justice laban sa 17 suspek.