MANILA, Philippines - Umaabot lamang sa 68 kongresista sa kabuuang 290 ang nakapagtala ng perfect attendance sa first regular session ng 16th Congress.
Nanguna sa may perfect attendance si Speaker Feliciano Belmonte Jr., na pumasok sa 69 session days mula Hulyo 22, 2013 hanggang Hunyo 11.
Nanguna naman sa pinakamaraming absent si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo na pumasok lamang sa 22 session days.
Matatandaan na hindi na nakapasok si Arroyo matapos siyang arestuhin kaugnay ng kasong plunder na isinampa sa kanya ng Ombudsman dahil sa iregularidad sa paggamit ng P366 milyong pondo ng PCSO.
Sumunod naman sa pinakamaraming absent si Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo na pumasok ng 27 araw dahil nakakulong din ito.
Si Dimaporo ay nakadetine sa Cardinal Santos Hospital simula noong Agosto 2013 at nahaharap sa kasong malversation of public fund at paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng fertilizer fund scam.
Pangatlo si Negros Occidental Rep. Jules Ledesma na nakapagtala ng 32 attendance samantalang si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ay pumasok ng 38 beses.
Ito ay dahil may mga pagkakataon na abala si Pacquiao sa pag-eensayo bilang paghahanda sa kanyang laban sa boxing ring.
Sa Hulyo 28 magsisimula ang second regular session ng Kongreso na State of the Nation Address (SONA) din ni Pangulong Aquino.