Hypertension ni Enrile delikado

MANILA, Philippines - Sinuri na kahapon ng medical team ng Philippine General Hospital (PGH) ang kondisyon ng kalusugan ni Sen. Juan Ponce Enrile matapos ang mga itong magtungo sa Camp Crame kahapon.

Ang medical report ng mga doktor ng PGH ang magsisilbing basehan ng 3rd Division ng Sandiganbayan upang desisyunan kung sa piitan idedetine si Enrile o isasailalim ito sa ‘hospital arrest’.

Ang 8 kataong medical team ay binubuo ng mga opthalmologist, neurologist, cardiologist, endocrinologist at isang espesyalista ng geriatric medicine.

Inamin naman ni Chief Supt. Alejandro Advincula, Director ng PNP Health Service, na dahil sa hindi magandang lagay ng kalusugan, posible umanong ikamatay ni Enrile kapag ipiniit ito sa PNP Custodial Center sa halip na manatili sa pagkaka-confine sa PNP General Hospital sa Camp Crame o sa alinmang medical detention facility.

Sinabi ni Advincula na delikado ang hypertensiyon ni Enrile dahil maari niya itong ikaparalisa at ikamatay kaya mahigpit na tinututukan ng mga doktor ang blood pressure nito dahil mayroon itong chronic o uncontrolled hypertension na bigla-bigla na lamang tumataas na umaabot ng 200/90.

Sakaling muling tumaas ang blood pressure ng senador ngayong Bi­yernes ay hindi muna nila papayagan na dumalo ito sa pagbasa ng sakdal sa kasong plunder sa Sandiganbayan.

Si Enrile ay mananatili muna pansamantala sa PNP General Hospital hangga’t wala pang commitment order ang Sandiganbayan para sa 90-anyos na senador.

 

Show comments