MANILA, Philippines - Sinibak sa puwesto ni Agriculture Secretary Proceso Alcala si Bureau of Plants and Industry (BPI) Director Lito Barron dahil hindi nito mapigilan ang pagtaas ng halaga ng bawang sa bansa.
Si Barron ay pinalitan ni BPI officer-in-charge Atty. Paz Benavidez na assistant secretary for Agriculture.
Ayon sa impormasyon, kaliwa’t kanan na batikos sa gobyerno ang inabot nito mula sa mamamayan dahil sa bigla at grabeng pagtaas ng presyo ng imported na bawang at maging ang mga lokal na bawang sa mga pamilihan at palengke na umaabot na sa P400 kada kilo.
Sabi ng impormante, may mga nagkutsabahan umano kaya lumobo ang presyo ng bawang.
Inaasahan na babagsak at malamang babalik sa dating presyo ang mga imported na bawang oras na dumating ito sa bansa sa isang linggo matapos bigyan ng BPI ng mga import permit ang mga consignee nito.