MANILA, Philippines - Tumanggi ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na isailalim si Janet Lim Napoles sa pangangalaga ng Simbahan.
Paliwanag ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Soc Villegas, bagama’t ikinalulugod nila ang tiwalang ibinibigay ni Napoles sa CBCP, hindi nila maaaring pagbigyan ang kahilingan ni Napoles dahil mahaharap ito sa mga batas na pinaiiral ng Simbahan at ng Estado.
Ayon kay Archbishop Villegas, hindi pinapayagan ng kasalukuyang mga batas ng Simbahan ang CBCP na tumayo bilang guarantor para isang akusado sa harap ng mga civil court.
Hindi rin umano sila tiyak kung kwalipikado ang episcopal conference, sa ilalim ng civil law, na maging guarantor ni Napoles.
Kapag pinagbigyan din umano nila ang hiling ni Napoles, baka ito ay magsilbing precedent sa hinaharap o humingi na rin ng church custody ang ibang akusado.
Maari rin umanong makompromiso ang resources ng CBCP at maapektuhan ang kanilang mga pangunahing tungkulin.