MANILA, Philippines - Dinalaw ni Manila Mayor Erap Estrada si Atty. Gigi Reyes sa kanyang selda sa Sandiganbayan basement detention cell.
Dumaan si Mayor Estrada kay Reyes sa Sandiganbayan matapos na dumalo sa bail hearing doon ng kanyang anak na si Sen. Jinggoy Estrada.
Sinabi ni Mayor Estrada na hindi makatao ang kundisyon doon ni Reyes para sa isang taong hindi pa naman convicted sa kanyang kasong plunder.
Paniwala ni Estrada, may bakante pa naman sa PNP Custodial Center para mabigyan ng privacy si Reyes.
Detalye pa ni Erap, napaiyak si Reyes nang makita siya.
Humiling pa ang dating lider ng bansa na mapayagang makabisita ang ina ni Reyes.
Hindi pa rin naaaksiyunan ng Sandiganbayan ang mosyon ni Reyes na mailipat siya ng kulungan sa Custodial Center kayat mananatili muna ito sa Sandiganbayan detention cell.
Nais sana ng graft court na mailipat ito sa QC jail pero tinanggihan ng pamunuan nito dahil kulang na sila sa kapasidad ng bilanggo bukod sa hindi angkop itong bilangguan ng isang high profile detainees.