MANILA, Philippines — Naawa si dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada sa kalagayan ni Atty. Jessica “Gigi” Reyes na nakakulong sa Sandiganbayan kaugnay ng pork barrel scam.
Dinaanan ni Estrada si Reyes sa kulungan niya bago dumalo sa pagdinig ng korte para sa motion for bail ng kanyang anak na si Senator Jinggoy Estrada.
Aniya, walang privacy ang abogado sa kulungan at hindi ito nararapat para kay Reyes.
Kaugnay na balita: Enrile, Napoles, Gigi Reyes babasahan ng sakdal sa Biyernes
"It's inhuman for a woman to be incarcerated there in that place. Kahit na ako lalaki ako mahihirapan ako doon. And she's not convicted yet. Masyado namang grabe yung ginagawa," wika ng alkalde sa isang panayam sa telebisyon.
"The way she's being treated there is very inhuman,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Estrada na umiyak si Reyes nang bisitahin niya.
Kaugnay na balita: Hospital arrest hirit ni Enrile; Gigi Reyes gusto sa Camp Cramee
Sumuko ang dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile na si Reyes nitong Biyernes matapos iutos ng third division ng anti-graft court ang pag-aresto sa kanilang dalawa.
Bago ayos ang selda ni Reyes sa Sandiganbayan, kung saan siya ang unang dinala roon.
Mananatili ang abogado sa kanyang kulungan habang wala pang inilalabas na commitment order ang korte para ilipat siya sa iba.
Hiniling ng kampo ni Reyes kahapon na sa Philippine National Police Custodial Center na lamang siya ikulong imbis sa Quezon City jail.