MANILA, Philippines - Muling nagdagdag ng malaking donasyon ang gobyerno ng Australia na nagkakahalaga ng P120 milyon bilang tulong sa ginagawang rehabilitasyon sa mga biktima at nasalanta ng bagyong Yolanda sa Visayas.
Ayon sa ipinalabas na statement ng Australian Embassy sa Manila, inianunsyo ni Australian Foreign Minister Julie Bishop ang bagong assistance na ibibigay mula sa Resilience and Preparedness towards Inclusive Development (RAPID) program na magtuwang na ipinatutupad ng pamahalaan katuwang ang Climate Change Commission, United Nations Development Program at ang Australian government.
Ang nasabing programa ay makakatulong upang mapaganda ang land use planning, building codes, risk assessment at ang paglalagay ng early warning systems sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Ang RAPID ay inilunsad noong Hulyo 3 sa pamumuno ni Australian Foreign Affairs and Trade Deputy Secretary Ewen McDonald na nasa Pilipinas ng nakalipas na linggo.
Bukod sa nasabing halaga, magpapadala rin ang Australian government ng anim na Australian Civilian Corps (ACC) specialists upang samahan ang dalawang Asutralian na nasa bansa na simula noong Disyembre at tumutulong sa ginagawang recovery efforts sa mga lugar na tinamaan ng nasabing bagyo.
Nauna nang naglaan ang Australia ng inisyal na P1.6 bilyon bilang direktang assistance pagkatapos na tumama ang bagyo at sinundan ng P1.4 bilyong halaga ng ayuda para sa recovery at rehabilitation. Nagpapatayo rin sila ng may 600 classrooms bilang kapalit sa mga paaralang winasak ng bagyo.