MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang kabilang sa apat na kataong nasawi matapos na salpukin ang kanilang sinasakyang taxi ng isang four-wheel drive (4WD) vehicle habang bumabagtas sa Sandakan, Malaysia, iniulat kahapon.
Kinilala ang Pinoy na nasawi na si Pedro Pajimola Jr., 36, isa sa mga pasahero ng taxi. Nasawi umano habang ginagamot sa Duchess of Kent Hospital ang nasabing Pinoy bunga ng matinding mga sugat sa katawan.
Idineklara namang dead-on the spot ang taxi driver na si Salah Bin Ibno, 64, at kanyang iba pang mga pasahero na sina Kee Kwok Edein, 63, tubong Hong Kong at Jaafar Kasim, 40.
Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang mga sakay ng 4WD na nakabanggaan ng taxi na kinabibilangan ng 24-anyos na lalaking driver, at dalawang babaeng pasahero na pawang matinding nasugatan subalit nasa stable na umanong kondisyon.
Base sa report, naganap ang aksidente dakong alas-5:30 ng hapon noong Sabado sa may Mile 21, Jalan Labuk, Sandakan habang patungo ang 4WD sa Sandakan town at pumasok sa kabilang linya ng daan na naging dahilan umano ng matinding banggaan.