MANILA, Philippines - Isinapubliko ng Supreme Court (SC) ang pinakahuling ulat hinggil sa kanilang Judiciary Development Fund (JDF) kasunod na rin ng panawagan ng Kamara de Representantes na dapat nila itong ilantad.
Una nang nanawagan si House Speaker Feliciano Belmonte sa SC na isapubliko kung saan napunta ang P1.77-bilyon na halaga ng JDF.
Nakasaad sa ulat na makikita sa website ng SC na para sa unang bahagi ng taong kasalukuyan ang beginning balance ng JDF ay P1.96-bilyon.
Mula sa nasabing halaga, P584-milyon ang nailabas ng hukuman para sa Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at mga mababang hukuman.
Bunsod nito, ang ending balance o halaga na naiwan sa JDF sa pagtatapos ng Marso 2014 ay P1.38 bilyon na lamang.
Bukod sa JDF, kasama rin sa inilabas ng Korte Suprema ay ang ulat hinggil sa Special Allowance for the Judiciary Fund o SAJ mula 2012 hanggang sa unang quarter ng 2014 at Budget Accountability Reports mula 2012 hanggang 2013.
Ang JDF ay special purpose fund na binuo noong 1984 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1949 para sa benepisyo ng mga miyembro at kawani ng hudikatura nang sa gayon ay mapreserba ang pagiging independyente ng nasabing sangay ng pamahalaan.