MANILA, Philippines - Humirit kahapon si Senator Juan Ponce Enrile (JPE) sa Sandiganbayan para siya ay manatiling naka-hospital arrest.
Hiniling ng mga abogado ng senador sa Sandiganbayan na mabigyan ng pahintulot ang kanilang kliyente na manatiling nakadetine sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, Quezon City.
Sa tatlong pahinang mosyon, hiniling rin ng mga abogado ni Enrile na payagan siyang maisailalim sa medical examinations at treatments sa labas ng police hospital dahil ang naturang pasilidad ay maaaring wala umanong sapat na espesyalista o resources upang maipagkaloob ang pangangailang medikal ng 90-taong gulang na senador.
Sa kasalukuyan ay nakabinbin rin ang apela ng kampo ng senador sa 3rd Division ng Sandiganbayan na payagan siyang makapaglagak ng piyansa sa plunder case na kinakaharap nito kaugnay sa P10 billion pork barrel scam.
Biyernes nang sumuko sa mga awtoridad si Enrile, na nahaharap sa kasong plunder at 15 bilang ng kaso ng graft, matapos ipag-utos ng anti-graft court ang pag-aresto sa kanya.
Samantala, isasailalim sa echocardiogram test o masusing pagsusuri sa puso si JPE dahil sa abnormal na tibok ng kanyang puso.
Ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP Public Information Office, may kapasidad naman ang PNP General Hospital na magsagawa ng echocardiogram test.
“As recommended by the doctors , Senator Enrile will undergo 2 D echo test (echocardiogram ) , it will be held at PNP General Hospital at 8:30 am Tuesday”, pahayag ni Sindac.
Naitala naman ang blood pressure ni JPE sa 140/70, 63 ang pulse rate kada minuto at nasa 36 naman ang temperatura ng katawan nito.