MANILA, Philippines - Walang pasilidad ang Quezon City Female Dormitory para sa mga high-risk detainees na tulad ng abogadong si Jessica Lucila “Gigi” Reyes na dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile na tulad niyang nakasuhan at nakulong dahil sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund.
Ito ang nabatid sa warden ng naturang kulungan na si Chief Inspector Elena Rocamora na nagpaliwanag na ang female dormitory ay isang ordinaryong bilangguan na itinayo hindi para sa mga kilalang detenidong tulad ni Reyes.
Ang naturang female dormitory na isa ring pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology ay matatagpuan sa loob ng Camp Karingal na siya ring punong-himpilan ng Quezon City Police District. Dito karaniwang ikinukulong ang mga babaeng suspek sa mga kasong dinidinig sa mga Quezon City court.
“Hindi ito ginawa para sa mga high-risk at high-profile detainees,” sabi pa ni Rocamora sa isang panayam.
Ang Quezon City jail na nasa EDSA sa Kamuning ay pumipiit lang sa mga lalakeng preso kaya tanging mapagkukulungan kay Reyes ang female dormitory sa Camp Karingal.
Gayunman, ayon kay Rocamora, ang mga grill sa female dormitory sa Quezon City ay hindi nakadisenyo para sa high-profile detainees.
Naunang inutos ng Sandiganbayan sa Quezon City jail na ireport kung maaaring makulong dito ang dating chief of staff ni Enrile.
Ayon pa kay Rocamora, merong mga bintana ang female dormitory. Wala nito dapat sa mga bilangguang para sa mga high-profile at high-risk detainees. Dapat anyang ikulong sa bukod na selda o yaong secluded ang mga presong tulad ni Reyes.
Bukod dito, masyado na anyang siksikan sa dami ng mga preso sa Quezon City Female Dormitory. Meron itong 504 preso sa kasalukuyan kahit para lang sa 56 detenido ang kulungang ito.
Sinabi pa niya na ang itinatalagang kulungan para sa mga high-profile at high-risk detainees ay ang Taguig City Female Dormitory sa loob ng Camp Bagong Diwa.