PNoy handang harapin ang kaso vs DAP

MANILA, Philippines - Nakahanda si Pangulong Aquino na panagutan sa taumbayan ang pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at harapin ang anumang isasampang kaso pagbaba nito sa poder sa 2016.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, dapat lamang sumailalim sa auditing ng Commission on Audit (COA) ang mga pondong nagamit sa ilalim ng DAP upang matukoy kung nagamit ito ng tama at hindi nawaldas.

At kahit pa anya hinihingi ng iba’t ibang sector ang pagsibak kay Budget Sec. Butch Abad ay nananatili pa rin ang trust and confidence ng Pangulo rito.

Naunang sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma na handang panidigan ng gobyerno ang ginawa nito sa DAP at hindi hihingi ng sorry sa taumbayan si PNoy dahil wala naman silang ginawang masama.

Samantala, hinamon naman ng Association of Major Religious Superior of the Philippines for Men ang administrasyon ni Aquino na aminin ang kanilang pagkakamali sa DAP.

Binigyan diin ni AMRSP for Men Executive Secretary Father Marlon Lacal na kailangang ipakita ni Aquino ang kanilang “sincerity” at patunayan sa taongbayan na ang pondong mula sa DAP ay hindi nila ginamit para bilhin ang loyalty ng mga Senador at mga Kongresista para mapatalsik sa puwesto si dating SC Chief Justice Renato Corona.

Nanawagan din si Father Lacal kay PNoy na bumuo ng isang “independent body” na mag-iimbestiga kung tunay nga bang napunta sa taong-bayan ang pondo ng DAP ng Office of the President.

Naniniwala ang pari na sakaling ginastos ang kaban ng bayan sa maling pamamaraan, kailangan ng kumilos para papanagutin ang mga sangkot sa DAP scam.

Show comments