MANILA, Philippines - Nasa 50 estudyante ang nahilo at hinimatay sa isinagawang earthquake drill sa isang paaralan sa Parañaque City, kahapon ng umaga.
Isinugod sa Parañaque Community Hospital at Las Piñas District Hospital ang mga mag-aaral ng Parañaque National High School.
Nabatid kay Minelwin Serdana, principal ng naturang paaralan, alas-10 ng umaga nang umpisahan ang earthquake at fire drill sa mga estudyante na nasa grade 7 at 4th year.
Habang nasa kalagitnaan na ng orientation o pagsasanay sa mga estudyante, dalawang bata ang dumaing nang pagkahilo at isinugod sa kanilang klinika.
Makalipas ang ilang minuto ay isa-isa nang hinimatay ang mga estudyante dahil sa sobrang init ng panahon.
Nabatid na nahilo, nahirapan sa paghinga at nawalan ng malay ang mga estudyante na agad namang isinugod sa nabanggit na pagamutan.
Nasa maayos ng kalagayan ang nabanggit na mga estudyante.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na may mga nahimatay na estudyante sa kanilang isinagawang drill na taun-taon ginagawa sa kanilang paaralan.
Dahil sa insidente ay agad namang sinuspinde ang klase sa pang hapon dahil sa maraming mga magulang ng mga estudyante ang nagpanik at sinundo ang kani-kanilang mga anak.