MANILA, Philippines - Maaaring papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na nasa likod ng pamamahagi at paggamit ng Disbursement Acceleration Program o DAP.
Batay sa 92-pahinang desisyon ni Associate Justice Lucas Bersamin na may petsang Hulyo 1, inihayag nito na ang “authors, proponents, and implementors” ng DAP ay maaring kasuhan sa tamang tribunal.
Kailangan aniyang maipaliwanag ng mga ito na ‘good faith’ sila sa implementasyon at hindi dapat na mapanagot.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, “approved and duly signed” ni PNoy ang “seven memoranda issued by the DBM through (budget Sec. Butch Abad), inclusive of annexes, listing in detail the 166 DAP identified projects.”
Sa mga ebidensyang iprinisinta ng Office of the Solicitor General (OSG) sa pagtatanggol nito sa DAP, makikitang awtorisado ni PNoy ang cross-border realignment ng public funds.
Kabilang dito ang paglipat ng pondo mula ehekutibo patungo sa legislative departments, dalawang constitutional commissions: Commission on Audit (COA), na umaabot ng P143 milyon; Commission on Elections (Comelec), batay sa request; at House of Representatives (HOR), P250 milyon.
Taong 2013 nang itigil ang implementasyon nito na umabot na ang halaga ng mga DAP-funded projects sa P144.4 bilyon: P82.5 bilyon noong 2011, P54.8 bilyon sa 2012.
Sa kabila nito, kinikilala naman ng SC ang mga naging benepisyo ng bansa sa DAP partikular sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa bagama’t idiniin nitong kailangang sang-ayon sa Saligang Batas ang lahat ng mga batas, polisiya at hakbang.
Bukod sa desisyon, naglabas din ng opinyon sina Associate Justices Antonio Carpio, Arturo Brion, Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen.