MANILA, Philippines — Iginiit ng Palasyo ngayong Huwebes na walang kasalanan ang administrasyong Aquino kaya naman wala dapat ihingi ng kapatawaran si Pangulong Benigno Aquino III..
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr. na walang maling ginawa ang administrasyon sa pagpapatupad ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
"Kapag sinabing magso-sorry ka, may ginawa kang kasalanan. Wala po kaming ginawang kasalanan hinggil dito," wika ni Coloma.
Kaugnay na balita: Abad alam na unconstitutional ang DAP – SC
Nitong kamakalawa ay sinabi ng Korte Suprema na hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang probisyon ng DAP.
"We believe we have been abiding by and complying with such lawful processes," dagdag ni Coloma.
Sinabi pa ng tagapagsalita na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
"I think it is best that we allow the lawful and legal processes to take place and we are prepared to abide by all those processes."
Noong 2011 inilunsad ng administrasyon ang DAP upang mapabilis ang pag-usbong ng ekonomiya sa paggamit ng mga sobrang pondo ng ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi na ni Aquino noong nakaraang taon na ginamit sa tama ang pondo at hindi ito naibulsa.