MANILA, Philippines - Bulagta ang amasonang miyembro ng New People’s Army habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay Dona Telesfora, bayan ng Tubay, Agusan del Norte kamakalawa.
Ayon kay Major Christian Uy, spokesman ng Army’s 4th Infantry Division, naganap ang engkuwentro dakong alas-12:45 ng tanghali sa pagitan ng combat maneuvering troops ng Army’s 29th Infantry Battalion ng Army’s 402nd Infantry (Stingers) Brigade at ng grupo ng mga rebelde.
Nabatid na nakatanggap ng ulat ang tropang militar mula sa mga residente kaugnay sa presensya ng mga armadong rebelde na nangha-harass sa mga sibilyan.
Agad namang rumesponde ang mga sundalo at nakasagupa ang mga armadong rebelde kung saan tumagal ang bakbakan ng may 15-minuto bago nagsitakas ang mga rebelde.
Natagpuan naman ng mga sundalo sa clearing operations ang bangkay ng amasona na inabandona ng mga nagsitakas nitong kasamahan.
Samantala, narekober din sa encounter site ang mga eksplosibo, detonating wires, cellphones at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.