MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon ay muling naghain ng mosyon ang dating pangulo na ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo (GMA) sa Sandiganbayan para makapagpiyansa para sa kasong plunder.
Iginiit ni GMA sa inihain nitong motion for admission to bail na mahina ang mga ebidensiya laban sa kanya, hindi siya flight risk at mayroong sakit kasama ang degenerative bone disease.
Idinahilan din sa motion ni GMA ang psychological at behavioral factors kung bakit hindi bumubuti ang kanyang kalagayan. Dumaranas din umano si Arroyo ng depresyon at sobrang lungkot habang naka hospital arrest na siyang dahilan para magkaroon ito ng insomnia.
Naipasuri na rin umano si GMA sa psychologist na si Arnulfo Villamor Lopez at ang rekomendasyon nito ay ang payagan ang dating Pangulo na makagalaw ng Malaya, bumalik sa interactive lifestyle at sa mga dati nitong ginagawa bilang public servant na kinasanayan na ng kanyang katawan.
Hiniling din sa mosyon ng dating Pangulo na tratuhin ito tulad ng pag trato sa ibang akusado sa PCSO plunder case na pawang napayagan ng makapag-piyansa.