MANILA, Philippines - Magtatakda ng Suggested Retail Price (SRP) ang gobyerno para makontrol ang presyo ng bigas sa merkado.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture at Food Security, sinabi ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Sec. Francis Pangilinan na pag-aaralan pa rin ng gobyerno ang rekomendasyon ng mga kongresista na magpatupad ng price control sa bigas para mapigilan ang lalo pang pagtaas nito.
Sa ngayon ang tanging napagkasunduan pa lamang sa pulong noong Huwebes kasama si Pangulong Aquino ay ang pagpapairal ng SRP.
Kumbinsido naman si Pangilinan na makakatulong sa pagtatakda ng SRP para mabalanse ang presyo ng bigas sa merkado samantalang pinag-aaralan na rin umano ng National Food Authority Council ang posibilidad na pagtataas ng multa sa mga negosyanteng nagbebenta sa masyadong mataas na presyo.
Ibinunyag naman ni Jessie Dellosa ng Bureau of Customs (BOC) na may imbentaryong 1.032 milyong sako ng bigas ang nakaimbak sa iba’t ibang daungan sa bansa matapos maharang ng mga otoridad.
Dahil dito, iminungkahi ni Butil Partylist Rep. Agapito Guanlao na ibenta ito sa NFA upang mapakinabangan ng publiko at hindi mabulok na lamang samantalang pinag-aaralan na rin umano ng gobyerno na bilhin ang mga nakaimbak na bigas sa BOC para pandagdag na stock ng NFA.