MANILA, Philippines - Ipapatupad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment ban ng mga newly hired Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kurdistan area sa Iraq.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, tigil muna ang pagproseso ng mga dokumento at pagpapadala ng mga OFWs sa Iraq Kurdistan region makaraang muling tumaas at lumawak ang banta ng kaguluhan sa nasabing bansa.
Sinabi ni Cacdac, ipinatupad ng POEA Governing Board ang deployment ban ng mga OFWs dahil itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang crisis alert level 2 sa nasabing bansa.
Aniya, nangangahulugan na ‘restriction phase’ na ang alert level 2 at kailangan ng mag-ingat ang mga Pinoy sa Iraq Kurdistan region.
Sa record ng POEA, may 75 OFWs na nagtatrabaho ngayon sa Kurdistan region na pinapayuhang huwag munang lumabas sa mga pampublikong lugar sa halip ay gumawa ng ‘extra precaution’ o karagdagang pag-iingat para sa kanilang kaligtasan habang nananatili pa ang banta ng kaguluhan sa rehiyon bunsod ng pag-aalburoto ng mga rebeldeng Iraqis laban sa kanilang pamahalaan.