MANILA, Philippines — Duda ang isang abogado sa kredebilidad ng mga state prosecutor na humahawak sa kaso ng pork barrel scam.
Kinontra ng abogadong si Harry Roque ang pagkakatalaga kina acting Director Danilo Lopez at Deputy Special Prosecutor John Turalba.
Hawak ni Lopez ang kasong plunder laban kay Senador Jinggoy Estrada, habang si Turalba naman ang nasa main prosecution panel.
"Nadiskubre ko, itong si Prosecutor Lopez na siyang tumatayong chairman ng special prosecution team ay siya palang nagpa-dismiss nung P300 million na graft case kaugnay ng mga lamp post doon sa Cebu," pahayag ni Roque sa isang panayam sa radyo.
Tinutukoy ng abogado ang overpricing ng mga lamp post sa Cebu para sa paghahanda ng Association of Southeast Asian Nations summit noong 2006. Lumabas na 10 beses na overpriced ang mga poste ngunit ibinasura ni Lopez ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
"Nag-aalalangan lang ako ngayon na kung bakit despite merong ganitong record eh siya pa ang ginawa ngayong head ng panel para dito sa pinaka-high profile case laban sa mga senador," sabi ni Roque.
Samantala, isyu naman kay Turalba ang pagbasura sa kasong graft at illegal disposition of firearms laban kay Philippine National Police (PNP) official Reynaldo Varilla dahil sa diversion ng 72 sub-machine guns.
Bukod dito ay naitalaga pa si Varilla bilang director ng National Capital Region Police Officer at na-promote na may three-star-rank.
"Ang sa akin lang, wala na bang iba? Nais naman nating magkaroon ng example 'yung publiko na kapag ikaw ay nagnakaw, ikaw ay makukulong."
Sinabi ni Roque na baka hindi makuha ng bansa ang tamang hustisya dahil sa mga nakaupong hukom.
"Dahil ito ang gusto nating mangyari, kailangan naman kumuha tayo ng mga tried and tested," sabi ng abogado.
"Explore natin kung pwedeng kumuha ng mga abogado ang Ombudsman, kung pwedeng magtalaga ng ibang abogado na galing sa gobyerno mismo ... nang masiguro naman natin na patas naman ang laban.”