MANILA, Philippines - Pinalalantad ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang master plan nito upang matugunan ang pagbaha at matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila lalo na ngayon panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Atienza, miyembro ng House Committee on Metro Manila Development, parang lumalabas na walang master plan ang MMDA para sa pagpapaunlad dahil bigo ito na matugunan ang mabilis na pagbaha, pagsisikip ng daloy ng trapiko at pagkalat ng mga basura sa kalsada.
Inihalimbawa ng kongresista ang daan-daang commuters na na-stranded sa gitna ng masikip na daloy ng trapiko matapos na umulan ng malakas noong nakaraang linggo.
Paliwanag ni Atienza, pangunahing gawain ng MMDA ay pagpaplano habang ang policy direction at pagpapatupad nito ay sa Local Government Units (LGUs) samantalang ang mga may kinalaman sa traffic, pagbaha at peace and order ay pinag-uusapan at pinagbobotohan ng Metro manila Council na binubuo ng 17 alkalde ng Metropolis.
Dapat magkaroon ng master plan sa susunod na 5-10 taon dahil kung mayroon umano nito ay makakayang maresolba ang lahat ng nasabing mga problema.
Dapat din umanong konsultahin at makinig ang MMDA sa mga urban planners, architects and engineers kung paano mabuting malulutas ang mga problema sa kalakhang Maynila.
“Beijing, Singapore and Hongkong all had master plans for development, and look at where they are now. We on the other hand are still using an antiquated mass transport system which bogs down often and causes kilometers long queues. If we had a master plan like them, we would probably have subways by now. All metropolitan areas worldwide have utilized the subway as the most efficient mass transport system,” sabi ni Atienza.