MANILA, Philippines - Binawi ng tanggapan ng Ombudsman ang mosyon nitong amyendahan ang information sheet sa naisampa nitong reklamong plunder at graft laban kina Senador Jinggoy Estrada, Janet Napoles at iba pang akusado sa pork barrel scam.
Ito’y matapos sabihin ni Sandiganbayan Fifth Division Associate Justice Roland Jurado na kung tatanggapin ng graft court ang pag-amyenda sa information sheet sa mga naisampang kaso sa mga nabanggit ay maaaring makalaya ang mga ito mula sa kanilang pagkakapiit.
Sa isinagawang pagdinig kahapon, kinuwestyon naman ni Associate Justice Alexander Gesmundo kung bakit tinangka ng Ombudsman na palitan ng “collaboration” ang salitang “conspiracy” patungkol sa mga akusado.
Giit ng mga mahistrado, magkaiba ang kahulugan ng dalawang salita, pero pinanindigan ng prosekusyon na magkapareho lamang ito.
Wala sa inihaing amended information ang salitang “conspiracy” na nasa orihinal namang reklamo.
Dahil sa pagbawi sa hirit na pag-amyenda, tuloy na sa Lunes, Hunyo 30 alas 8:30 ng umaga ang pagbasa ng sakdal ng Sandiganbayan kay Estrada, Napoles at iba pa.