Sa hospital arrest Enrile magbayad ka - PNP

MANILA, Philippines - Sakaling katigan ng Sandiganbayan ang ‘hospital arrest’ kay Senador Juan Ponce Enrile ay dapat nitong sagutin ang lahat ng kaniyang gastusin.

Ito ang inihayag ni PNP Health Service Director P/Chief Supt. Alejandro Advincula sa gitna na rin ng paghahanda ng PNP sa posibleng hospital arrest ni Enrile.

Nais ng kampo ni Enrile na sa isang pribadong ospital ito magpa-house arrest kapag pinayagan ng korte ang kanilang mosyon sa sandaling ipalabas na ang warrant of arrest laban dito kaugnay ng kasong plunder sa pagkakadawit sa P10 bilyong pork barrel scam.

Ayon kay Advincula, walang dapat gastusin ang gobyerno sa pagpapa-ospital kay Enrile na 90 anyos na.

Sinabi ni Advincula na bagaman may sariling doktor at espesyalista ang PNP ay maari namang suriin ng kaniyang personal na manggagamot ang Senador.

Nabatid na dalawang kuwarto ang inihahanda ng PNP sa loob ng ospital, ang unang kuwarto ay isang specialty ward na may aircon, isang hospital bed na may oxygen, may banyo na naka-tiles at may sukat na 3.5 by 3 metriko kuwadrado.

Ang isa pang kuwarto ay tinawag namang Public Order Violators (POV) na may isang hospital bed, may comfort room na walang pintuan, walang electric outlet at may lawak na 2.5 by 4 square meter.

Hinihintay pa ng PNP ang kautusang ibababa ng Sandiganbayan sa kaso ni Enrile.

Nauna ng inihayag ng PNP na kahit pahintulutan pa ang ‘hospital arrest’ ay sasailalim pa rin si Enrile sa booking procedures tulad ng mugshot, fingerprinting, medical at physical examinations.

Show comments