MANILA, Philippines - Sinang-ayunan ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang posisyon ni Pangulong Aquino na dapat bigyan ng special consideration si Senador Juan Ponce Enrile sa oras na arestuhin na ito ng Sandiganbayan dahil sa kasong plunder kaugnay sa pork barrel scam.
Ayon kay Belmonte, dapat na mabantayan ng maayos hindi lamang ang seguridad ni Enrile kundi maging ang kalusugan nito.
Ito ay dahil bukod sa may edad na umano si Enrile ay marami na itong iniindang sakit na idinadaing sa kanilang petition for bail sa Sandiganbayan Third Division.
Matatandaan na iminumungkahi ng iba na house o hospital arrest ang pwedeng irekomenda kay Enrile dahil sa edad nitong 90.
Para naman kay Speaker, kung ito ang tatanungin ay mas mabuting hospital arrest ang pwede kay Enrile dahil ito na ang may precedent kaysa sa house arrest.
Matatandaan na si dating Pangulong Arroyo na nahaharap sa kasong plunder case dahil sa umano’y paggamit ng pondo ng PCSO ay nasa ilalim ng hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center hanggang ngayon.