MANILA, Philippines - Isang low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo ang tinututukan ngayon ng state weather bureau.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sama ng panahon sa 700 kilometro silangan ng Hilagang Mindanao kaninang alas-4 ng umaga.
Nakapaloob ang LPA sa intertropical convergence zone na nakaaapekto sa Mindanao.
Kung tuluyang maging bagyo ay pangangalanan itong "Florita" ang ikaanim ngayong taon.
Makararanas ng mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan ang Visayas at Mindanao na may pagkulog at kidlat.
Magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap naman ang papawirin ng Metro Manila at kalakhang Luzon na may pulu-pulong pag-ulan na may kulog at kidlat.
Maaaring lumakas ang LPA dahil nasa karagatan pa ito.