Comelec officials pinakakastigo

MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng anti-corruption group sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na kastiguhin si Comelec Chairman Sixto Brillantes at ibang kasama nito dahil sa contempt of court nang balewalain nito ang utos ng Korte Suprema ukol sa PCOS machines.

Sa 11-page petition nina Alicia Lazaga, Joel Abalos, Jonas Sinel na pawang residente ng Sta. Rosa City at Ricardo Bautista ng San Juan laban kina Brillantes, Commissioners Lucenito N. Tagle, Elias R. Yusoph, Cristian Robert Lim, Ma. Gracia Cielo M. Padaca, at Al A. Pareno, bina­lewala at hindi sinunod ang PET resolution noong Agosto 31, 2010 kaugnay sa Roxas vs. Binay protest case no. 0004 entitled “Precautionary Protection Order” (PPO) na nilagdaan ni Filipa B. Anama, assistant clerk of court of the PET.

Sinabi ni Movement Against Graft and Abuse of Power (MAGAP) spokesman Sinel, ang ginawa ng mga opisyal na ilipat ng walang paalam ng Comelec ang mga PCOS machine mula sa Cabuyao warehouse tungo sa ibang warehouse ay tahasang paglabag sa PET order.

Inamin mismo ni Comelec spokesman James Jimenez na inilipat nila sa ibang warehouse ang mga PCOS machines mula sa Cabuyao warehouse kahit walang permit mula sa PET.

Show comments