Manhunt vs mga sabit sa ‘pork’
MANILA, Philippines - Naglunsad na kahapon ng malawakang manhunt operations ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group laban sa iba pang mga kasamahan nina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla na nasampahan ng kasong plunder kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, ipinakalat na nila ang mga tracker teams upang arestuhin ang mga respondents sa plunder raps na hindi pa lumulutang upang sumuko.
Una nang sumuko noong Hunyo 20 si Bong sa Sandiganbayan na sinundan ng chief of staff nitong si Richard Cambe habang nitong Lunes (Hunyo 23) ay sumuko naman si Jinggoy sa kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada na siya namang nag-turnover dito sa PNP sa Camp Crame.
Kabilang sa mga pinaghahanap sina Ronald John Lim, pamangkin ni Janet Lim Napoles; Raymond de Asis, empleyado ng pork barrel queen; dating deputy chief of staff ni Erap na si Pauline Labayen at iba pa.
Inihayag naman ng Sandiganbayan na ikokonsiderang mga pugante ang iba pang mga akusado kapag tumanggi pa rin ang mga itong sumurender 10 araw pagkaraang maipalabas ang warrant of arrest.
- Latest