MANILA, Philippines - Pinaboran ni Senator Antonio Trillanes IV ang paglalagay ng air cooler at telebisyon sa kulungan nina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Ayon kay Trillanes na naranasan na ring makulong, hindi dapat gawing isyu ang paglalagay ng air cooler at telebisyon sa kulungan dahil maging sa ibang bansa ay mayroon naman nito.
Hindi rin umano maituturing na special treatment ang paglalagay ng telebisyon at air cooler.
Ang dapat aniyang pagtuunan ng pansin ay ang pagpapabuti ng lahat ng kulungan sa bansa at hindi ang ibaba pa ang ‘standard’ o kalagayan ng mga bilanggo.
Matatandaan na hiniling ng kampo ni Revilla ang paglagay ng air cooler dahil sa nararanasan nitong migraine dala ng sobrang init.
Hindi aniya dapat tratuhing parang mga aso ang mga bilanggo at dapat pagbutihin ang sistema sa bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bago at maayos na kulungan upang matiyak na hindi naman nawawala ang dignidad ng mga nakulong bilang mga tao.
Kinumpirma naman ni Trillanes na totoong malaÂlaki ang daga sa loob ng bilangguan na pinaglagyan kina Estrada at Revilla.
Pinayuhan niya ang dalawang kasamahang senador na maluwag na tanggapin ang kanilang naging kapalaran upang hindi sila mahirapan sa kanilang sitwasyon.