MANILA, Philippines —Kahit wala pa ang arrest warrant, tutungo na ng Sandiganbayan si Senador Bong Revilla Jr. upang sumuko kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder at graft dahil sa pork barrel scam.
Sa panayam ni Revilla ngayong umaga sa telebisyon, sinabi niyang pupunta na sila ngayon sa Sandiganbayan na inaasahang ilalabas ang arrest warrant anumang oras ngayong Biyernes.
Ang Office of the Ombudsman ang nagsampa ng kaso matapos malamang kumita siya ng P242 milyon sa paglalagak niya ng kanyang Priority Development Assistance Fund sa mga pekeng non-government organization ni Janet Lim-Napoles.
Kaugnay na balita: Arrest warrant kay Bong, 31 pa inilabas na ng Sandiganbayan
Kahapon ay ibinasura ng anti-graft court ang petisyon ng Senador na ipagpaliban ang pagdinig sa kaso.
Iginiit ni Revilla na inosente siya sa mga ipinaparatang sa kanya.
Dagdag niya na haharapin niya ang kaso upang malinis ang kanyang pangalan.
Kaugnay na balita: Bong nais makapagpiyansa
"I am ready to face this. The day will come when truth will come out. I am ready to go to jail even if I did nothing wrong," pahayag ng senador kahapon.
Sa huli ay hiniling niya sa publiko na huwag siyang husgahan kaagad.
"To many of you I appeal that you don’t judge us yet," sabi ni Revilla.
"To the Aquino administration: Mr. President, I'm ready to go wherever you want me jailed. I believe I did nothing wrong and I am not afraid, Mr. President."