DILG, Spanish aid agency, palalawakin ang Albay DRR sa 10 lalawigan

LEGAZPI CITY – Magtutulungan ang Department of Interior and Local Government (DILG), AECID o Agencia Española de Cooperacion Internacional para el Desarollo (Spanish Agency for International Development Cooperation) at Albay para itatag ang matagumpay na Disaster Risk Reduction (DRR) strategy­ ng Albay sa 10 ibang lalawigan.

Ang proyekto ay may laang P84milyong budyet – P74 milyon pahiram at P10 milyon bilang grant. Ang buong halaga ay magmumula sa AECID. Matinding ininda ng Pilipinas ang problema sa kalamidad na dulot ng napakalakas na bagyo nang salantain ni supertyphoon Yolanda ang Kabisayaan noong 2013.

Layunin ng pagtutulungan ng DILG, AECID at Albay­ ang itaas ang pamantayan ng DRR sa 10 ibang lalawigan gaya ng naitatag na ng Albay, na global model ng US sa DRR. Ipinanukala ni Albay Gov. Joey Salceda na isama agad ang Catanduanes, Panga­sinan and Pampanga sa unang 10 lalawigan dahil ma­limit bugbugin ng bagyo ang mga ito. 

Ayon kay Salceda, may limang mahahalagang bahagi o sangkap ang proyekto – “training, technical assistance, equipment, infrastructure and IT-based early warning system.” Pang-anim dito ang partisipasyon ng Albay bilang modelong local government unit.  

 

Show comments