DOJ ‘di dapat magpadikta sa pork case

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Justice na ang katotohanan at ebidensiya ang dapat ikonsidera sa imbestigasyon sa kontrobersiyal na anomalya sa Priority Development Assistance Fund.

Iginiit ni Cayetano na hindi dapat magpadikta ang DOJ sa sulsol ng ilang grupo o mga indibidwal na humihiling na isama sa kaso ng PDAF ang mga kaalyado ng admi­nistrasyon.

Ginawa ni Cayetano ang panawagan kasabay ng pagdepensa kay TESDA Chief Joel Villanueva na isang kaalyado ng administrasyon at kabilang umano sa ikatlong grupo ng mga sangkot sa PDAF scam.

Hindi anya dapat magpadala ang DOJ sa sulsol para lang palabasin na meron ding mga kaalyado ni Pangulong Aquino na isinangkot sa naturang kaso.

Sinabi ni Sen. Caye­tano na dapat ang mga tunay na sangkot lamang sa PDAF scam ang makasuhan at huwag idamay ang mga inosente upang palitawin lamang na may nakasuhang kakampi ni PNoy at hindi lamang mula sa oposisyon.

Ayon Kay Cayetano, matagal na niyang kasama sa Kongreso si Villa­nueva na dating kinatawan ng anti-corruption group na CIBAC kaya ikinagulat niya ang ulat na kasama ito sa 3rd batch ng mambabatas na kakasuhan ng DOJ sa Ombudsman.

Wala anyang inilalagay si Villanueva sa NGO ng negosyanteng si Janet Napoles, hindi siya itinuturo ng mga testigo, at isinasaad sa audit na naisagawa ang proyekto at ganap na nakuwenta.

Show comments