MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagkontra ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot, 20 kongresista ang sumuporta sa panukala ni Isabela Rep. Rodito Albano.
Sa ilalim ng House Bill 4477 o Compassionate Use of Medical Cannabis Act ay magiging mahigpit ang regulasyon sa paggamit ng marijuana bilang gamot upang matiyak na hindi maaabuso.
Layon nitong bumuo ng Medical Cannabis Regulatory Authority na magbibigay ng registry identification card sa mga pasyenteng papayagang gumamit ng medical marijuana.
Ang medical cannabis o marijuana ay napatunayang makakatulong at nakagagamot sa mga chronic o debilitating disease o medical condition gaya ng nausea, chronic pain, seizures, epilepsy at iba pang sakit.
Una nang sinopla ni Belmonte na makausad ang panukala sa pangamba na may negatibong epekto pa rin ito sa mga tao lalo na kung magiging ligal ang paggamit nito sa bansa.
Paliwanag ni Albano, hindi na bago ang paggamit sa marijuana bilang gamot dahil ito ay tradisyon ng gamot sa mga may sakit sa China at India.