Jinggoy mawawala muna sa Senado
MANILA, Philippines — Iiwan ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang puwesto sa Senado, ngunit tiniyak na haharapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sinabi ni Estrada sa kanyang privilege speech ngayong Miyerkules na mawawala siya sa pagbubukas ng Kongerso sa Hulyo.
"Marahil sa pagbubukas ng panibagong sesyon ng Mataas na Kapulungan na ito sa darating na Hulyo, hindi niyo muna ako makikita rito," wika ng Senador.
Kaugnay na balita: 'Bilisan niyo, ikulong niyo na kami' – Bong Revilla
"Pansamantala kong babakantehin ang aking upuan nang nakataas ang aking noo. Buo ang loob at buo ang integridad, prinsipyo at pangalan dahil wala akong salaping pinakialaman sa kaban ng ating mahal na bayan," dagdag niya.
Ngayon ang huling araw ng sesyon at muling magbubukas sa Hulyo 28.
Muling iginiit ni Estrada na wala siyang ibinulsang pera ng bayan taliwas sa mga ipinaparatang sa kanya na nakipagsabwatan sila nina Senador Bong Revilla at Juan Ponce Enrile kay Janet Lim-Napoles.
Kaugnay na balita: Bong, Jinggoy, Enrile maaaring lumabas ng bansa
"Matatag ang aking paninindigan na ako ay walang kasalanan sa lahat ng mga bintang at paratang laban sa akin. Wala po sa aming angkan ang tahasang hindi pagsunod sa mga batas," paliwanag ni Estrada.
Aniya hindi na siya kailangan pang arestuhin dahil handa siyang sumuko.
"Hindi na nila ako kailangan pang hanapin at kaladkarin kung sakaling kami ay dapat nang arestuhin dahil ako na mismo ang kusang susuko sa kinauuklan sa sandaling maglabas ng utos ang korte na ako ay kailangan ng dakpin."
Kaugnay na balita: Sandiganbayan: P30K piyansa ni Bong, Jinggoy, Enrile
Muling umangal ang senador sa aniya'y “selective justice†na ipinatutupad ng Department of Justice, Commission on Audit at Office of the Ombudsman.
Sinabi ng Ombudsman na kumita si Estrada ng P183 milyon sa pork scam, habang nakakuha sina Revilla at Enrile ng P224 milyon at P172 milyon, ayon sa pagkakasunod.
- Latest