MANILA, Philippines - Walang balak suspindihin ng liderato ng Kamara ang mga kongresistang makakasuhan ng plunder dahil sa pork barrel scam. Paliwanag ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr, ito ay dahil sa wala sa rules ang pagsuspinde ng mga kongresista na makakasuhan ng pandarambong.
Dahil dito kaya mananatili umanong miyembro ng Kamara ang mga ito kahit pa sila ay maisyuhan ng warrant of arrest at makulong hanggang walang conviction mula sa korte.
Iginiit pa ni Belmonte na kung makapagpiyansa ang mga kongresistang makakasuhan ng plunder ay malaya silang makakabalik sa Kamara para naman maisakatuparan ang kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.
Tiniyak din ng Speaker na makulong man o makapagpiyansa ay patuloy na makakakuha ang mga ito ng kanilang sahod at benepisyo. Inihalimbawa ni Belmonte ang sinapit ni Sen. Antonio Trillanes na hindi natanggalan ng sahod at benepisyo at patuloy na nakatupad ng mandato bilang Senador habang nasa kulungan noon.