MANILA, Philippines - Ibinilin na kahapon ni Senator Jinggoy Estrada sa mga kasamahang senador ang mga maiiwan niyang trabaho sa Senado sa sandaling magpalabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbahan upang arestuhin siya kasama sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile at Sen. Bong Revilla.
Ang trabaho ni Estrada bilang chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ay ibinigay niya sa vice chairman ng komite na si Sen. Juan Edgardo Angara.
Inatasan rin ni Estrada si Angara na ipagtanggol ang mga panukalang batas na nakabinbin sa komite. Tinanggap naman ni Angara ang mga ibiniling trabaho sa kanya ni Estrada.
Samantala, ipinagkatiwala ni Estrada kay Sen. Pia CaÂyetano ang pagtatanggol sa panukalang age discrimination bill na naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon ng mga manggagawa dahil sa kanilang edad na ginagawa ring basehan sa pag-a-apply ng trabaho.
Ipinunto ni Estrada na hindi makatarungan na mas nabibigyan ng tiyansa sa pag-aaplay ng trabaho ang mga batang aplikante kaysa sa mga may edad na.
Samantala, pinaboran ni Enrile ang posibilidad na magkaroon ng live coverage sa pagdinig ng kanilang kasong plunder sa Sandiganbayan. Sinabi ni Enrile na mas makakabuti ang nasabing live coverage upang mapanood ng mga mamamayan ang trial at makita nila ang paglabas ng katotohanan.