Revilla, nagpaalam at nagpasalamat sa Senado

MANILA, Philippines - Nagpaalam na kahapon si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Senado at sa-isa niyang pinasalamatan ang mga taong nakatulong sa kanya.

Inabangan  sa kanyang privilege speech si Revilla dahil sa pahayag nito na may ilalabas rin siyang listahan na ayon sa senador ay “mas matindi pa sa lahat ng listahan”.  Pero taliwas sa inaasahan ng lahat  walang kaugnayan sa pork barrel fund scam ang isiniwalat ni Revilla dahil  listahan ito ng mga dapat niyang pasalamatan kung saan inuna niya ang Diyos.   

Pangalawa sa listahan ni Revilla ang kanyang ama at pamilya na patuloy umanong nagbibigay sa kanya ng lakas.

Pangatlong pinasalamatan ni Revilla ang mga kasamahan niyang senador kung saan inuna niya si Senate President Franklin Drilon. Umaasa si Revilla na muling maibabangon ni Drilon ang imahe ng Senado bilang isang institusyon.

Naging emosyonal si Revilla habang inisa-isang pasalamatan ang mga kasamahang senador, nagtawanan naman ang lahat  ng banggitin nito ang pangalan ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada matapos niya itong tawaging “kosa”.

Maging ang kapatid ni Estrada na si Senator JV Ejercito ay pinasalamatan ni Revilla at nag-wish pa ito na sana ay magkabati na ang magkapatid.

Sa unang bahagi ng talumpati ni Revilla, mistulang binanatan nito at sinermonan si Pangulong Benigno Aquino at nagbigay ito ng payo sa kung ano ang mga dapat gawin at iprayoridad. Nagpahayag din ng pag-asa si Revilla na lumabas ang katotohanan tungkol sa kinakaharap nilang kaso sa Sandiganbayan.

Bukod sa talumpati, nagkaroon din ng video presentation kung saan  narinig ang kanta ni Revilla tungkol sa pasasalamat sa lahat ng mga nakatulong sa kanya at maging sa kanyang mga taga-suporta.

 

Show comments