MANILA, Philippines – Nais ni Senador Miriam Defensor-Santiago na imbestigahan ng Senado ang pagkawala ng halos P12 milyong halaga ng matataas na kalibre ng baril sa warehouse ng Fireams and Explosives Division (FED) sa Camp Crame, Quezon City.
Inihain ni Santiago ang Senate resolution 686 kung saan layunin nitong siyasatin kung saan napunta ang mga semi-automatic pistols ng PNP.
Nag-ugat ito sa ulat ni National Capital Region-Criminal Investigation and Detection Group (NCR-CIDG) chief Senior Superintendent Roberto Fajardo sa pagkawala ng 59 baril na nagkakahalaga ng P11.76 milyon sa opisina ng FED.
Nalaman lamang nawawala ang mga baril matapos magsagawa ng random inventory ang kanilang supplier na JOAVI Philippine Corporation nitong nakaraang buwan lamang.
Kahit nakasuhan na ang mga suspek na sina Harold Sumalde at Raymond Lopez, nais pa rin ng senadora na imbestigahan ito.
“There is a need for the Department of Interior and Local Government and the Philippine National Police to determine the culpability of the accused and if there are other PNP officials involved,†sabi ni Santiago sa kanyang resolusyon.
Ang naturang pagkawala ng halos P12 milyong halaga ng baril ay hiwalay pa sa pagkawala ng 900 piraso ng high-powered firearms na napaulat na ibinenta sa New People's Army.