Kasong estafa vs negosyante ibinasura ng korte

MANILA, Philippines - Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang kasong estafa na isinampa ng isang bangko laban sa kliyente nito na umano’y nanloko matapos umayaw na isoli ang  P1.5 milyon at interest may 18 taon na ang nakakaraan.

Sa apat na pahinang resolusyon, ibinasura ni Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu ang kasong estafa na kinaka­harap ni Wilson Chua, contractor.

Naunang naghain ng demurrer to evidence ang abogado ni Chua na si Atty. Jose Icaonapo Jr. na pinagbigyan naman ng korte na naging basehan na rin nang pagbasura ng kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiyang magpapatibay sa kasong inihain ng Union Bank of the Philippines.

Base sa record, si Chua ay mahusay na kliyente ng UBP Nueva Branch kung saan ang branch manager ay si Elpidio Romero.

Noong Abril 2, 1996, nakumbinse ni Romero si Chua na subukan ang kanilang promo na Divested Investment Trust Account (DITA) kung saan ang pera  ng huli ay kikita ng 13.5% sa loob ng 34 na araw.

Naglagak si Chua ng P1.5 milyon na babawasin sa kanyang checking savings account na naglalaman noong panahon na iyon ng mahigit P3 milyon.

Dalawang beses na umikot ang pera ni Chua sa bangko at makalipas noon ay kanyang kinuha ang lahat ng perang nakalagak sa bangko.

Noon lang nakita ng bangko na hindi pala nabawas sa account nito ang perang ginamit sa DITA kung kaya’t ilang beses na nagpadala ng sulat ang bangko kay Chua na isoli nito ang pera.

Ipinaunawa ni Judge Hidalgo-Bucu na kailanman ay hindi tinatanggap ng bangko ang “verbal instruction” sapagkat normal na proseso sa bangko ang pagpapapirma sa kliyente ng mga kailangang papeles at instrumento. Magsasampa naman ng kasong sibil si Chua laban sa bangko at sa manager nitong si Romero. 

 

Show comments