MANILA, Philippines - Upang mapabuti ang relasyon at kooperasyon sa pagitan ng Philippine Navy (PN) at Vietnamese People’s Navy (VPN), ang VPN ang magsisilbing punong-abala sa kauna-unahang PN-VPN Personnel Interaction sa Southwest Cay Island.
Sa mga nakalipas na taon, ang ASEAN Navies ay nagsasagawa na ng personnel interactions sa mga miyembro ng estado bilang parte ng confidence building measures sa rehiyon.
Ngayong taon, ang interaction sa pagitan ng PN at VPN ay nakatuon sa diskusyon hingil sa interoperability at pinakamagaling na pagsasanay sa Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) operations. Ang naturang diskusyon ay napapanahon dahil ang Asian Region ay parating na sa pagpasok ng panahon ng Habagat.
Kabilang sa unang PN-VPN personnel interaction ay ang cultural presentation at sports activities para mas maunawaan ang pagkakaiba ng kultura at mabuo ang samahan at pagkakaibigan ng dalawang nasyon.
Umaasa ang magkaÂbilang panig na ang aktibida ay magsisilbing pruweba na ang alitan ay hindi makakahadlang sa pag-unlad ng praktikal at kongretong kooperasyon sa pagitan ng dalawang navies.
Ang PN ay inaasahang magiging host sa susunod na PN-VPN personnel interaction sa 2015.