MANILA, Philippines - Tuluyang ibinasura ng Court of Appeals ang kautusan ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay sa pag-aresto ng dalawang magkapatid na nakasuhan ng indirect contempt of court dahil sa usapin sa mana.
Sa ipinalabas na desisyon nitong Mayo 28, pinatigil nina CA Justices Rebecca de Guia-Salvador, Danton Bueser, at Ramon Garcia ang arrest warrant na ipinalabas ni QC RTC Judge Manuel Sta. Cruz, Jr. laban kay Anna Marcelo-Revilla dahil sa kasong sibil na indirect contempt na inihain ng tiyuhin nitong si Jose Marcelo, Jr.
Una nang nagpalabas sina CA Justices Francisco Acosta, Edwin Sorongon, at Soccoro Inting ng injunction para ipatigil ang pag-aresto sa kapatid nitong si John Steven Marcelo na nakasuhan nang kaparehong kaso na nalathala sa PSN.
Kinumpirma rin ng CA ang una nitong kautusan noong Marso na nagbabasura sa ipinalabas na desisyon ni QC Judge Sta. Cruz noong Pebrero sa kasong indirect contempt laban sa magkapatid at pagpapalabas ng arrest warrant at pagkakakulong ng anim na buwan.
Ayon sa CA, sa kautusan nito noong Marso na nag-aatas sa hukom na nagpapataw ng parusa sa mga nakasuhan ng contempt ay hindi dapat maging kasangkapan sa paghihiganti ng isang naglilitis.
Ang kaso ay kaugnay sa inihain ni Jose Marcelo, Jr., kapatid ng yumaong ama naman ng magkapatid na si Edward, at tagapangasiwa sa estadong iniwan ng kanilang amain na si Jose Marcelo, Sr., na kasalukuyang dinidinig naman sa sala ni QC RTC Judge Alexander Balut.
Ipinalabas ni Judge Sta. Cruz ang contempt matapos na mabigo ang magkapatid na Marcelo na maisumite ang mga dokumentong hinihingi ni Jose, Jr, na naglalaman ng mga pag-aari ni Jose, Sr.
Subalit, nakasaad sa pinakahuling desisyon na ipinalabas ng CA, na unang isinampa ni Jose, Jr. ang kasong contempt laban sa magkapatid noong 2011 sa QC RTC, na ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng merito. Inihayag pa ng CA na ang real estate properties na nasa listahan ng imbentaryo ni Jose, Jr. ay hindi pag-aari ni Jose, Sr.
Napansin din ng CA na noong 2012 ay inihayag ng Malabon RTC na walang karapatan si Jose, Jr. na manghingi ng records ng Marcelo group of companies na nasa ilalim ng liquidation dahil hindi ito bahagi ng estado ni Jose, Sr.
Idinagdag pa ng CA na noong Hulyo 2000, habang nagsisilbing administrator si Edward, ang lahat nang tagapagmana ni Jose, Sr. kabilang na si Jose, Jr. ay lumagda sa isang kasunduan para sa hatian ng estado ng kanilang amain. Ang assets na hinihingi ni Jose, Jr., mula sa magkapatid na Marcelo ay hindi bahagi ng kasunduan.