MANILA, Philippines - Humarap kahapon sa Department of Justice ang actor na si Zoren Legaspi para maghain ng kanyang counter-affidavit sa kinakaharap na P4.5 milyong tax evasion case.
Hindi dumalo si Legaspi sa naunang pagdinig habang hindi naman pinagbigyan ng DOJ ang hirit nito na iurong sa June 20 ang deadline sa paghahain ng kanyang kasagutan.
Ayon kay Atty. Ricardo Revo, abala kasi ang kanyang kliyente sa gawain sa Tacloban City.
Pinayuhan naman ni Assistant State Prosecutor Stewart Allan Mariano ang kampo ng aktor na talakayin ang issue sa tax identification number (TIN) sa isusumiteng counter-affidavit ngayong araw.
Mismong ang accountant ni Zoren na si Flora Capili ang umamin sa mga kinatawan ng BIR at DOJ sa pagkakaroon ng kanyang kliyente ng apat na TIN, na panibagong paglabag sa batas.
Paliwanag ni Atty. Emmanuel Ferrer ng BIR, may pananagutan ang sinumang taxpayer sa pagkakaroon ng maraming TIN. Pero pinatanggal ng prosecutor sa record ng pagdinig ang pahayag ni Capili dahil mayroon daw Supreme Court ruling na dapat ay may kinatawang abogado si Legaspi.
Napag-alaman na hindi kumuha ng abogado ang actor/director at sa halip, ang accountant lang at kanyang sekretarya ang katuwang niyang nag-aayos ng kaso. Una nang iginiit ng actor na hindi nito intensyon na takasan ang pagbabayad ng buwis sa BIR.