MANILA, Philippines - Ipatatawag ng Department of Justice ang starlet na si Krista Miller matapos na makita sa CCTV footage ng Metropolitan Hospital ang pagdalaw nito sa drug lord na si Ricardo Camata.
Ayon kay DOJ Usec. Francisco Baraan nais nilang malaman kung ano ang tunay na pakay ni Miller kay Camata sa kanyang pagdalaw sa ospital. Sa ngayon hawak na ng DoJ ang CCTV ng ospital kung saan nakikita ang pagpasok ni Miller sa silid ni Camata.
Giit ni Baraan, hindi naman kamag-anak ni Camata si Miller kaya walang karapatan ang starlet para dumalaw.
Nanggagalaiti si Baraan sa ginawa ng mga bantay ni Camata na hindi man lang ininspeksyon ang bag ng starlet na baka aniya may drugs o baril.
Subalit ayon kay Miller, real estate ang kanyang binebenta at hindi ang kanyang sarili. Bilang ahente umano, nais niyang maka-quota kung kaya naisip niyang alukin ng condo ang nasabing high profile inmate.
Samantala, sinabi ni Baraan na kasama rin sa kanyang isinumiteng report ang paliwanag kaugnay sa paglabas ng tatlong high profile inmates sa New Bilibid Prison na walang pahintulot.
Ayon kay Baraan, kaniya na lang hinihintay ang paliwanag ng mga doktor ng ospital kung saan dinala ang tatlong mga preso, at ang written explanation ng New Bilibid Prison.