MANILA, Philippines — Sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes ay inanunsyo ng Malacanang na wala dapat asahang dagdag sahod ang mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Presidential Communication Operations Office head Herminio Coloma Jr. kahapon na naiintindihan nila ang pangangailangan ng mga guro ngunit wala aniyang pondo ang gobyerno para dagdagan ang kinikita ng mga guro.
Dagdag niya na wala sa 2014 budget ang umento sa sahod ng mga guro.
"Unang-una, nasa gitna na po tayo ng taon at naipasa na 'yung budget na ipinapatupad para sa taong ito, kaya wala pong na-identify na pagkukunan ng pondo ang kanilang hinihingi. Maaari pong pag-aralan para sa pagpapatupad nito sa darating na panahon o sa susunod na taong budget," pahayag ni Coloma.
Samantala, sinabi ni Coloma na para sa taon na ito ay lumaki ng 71 porsiyento ang nakalaang pondo sa Department of Education, mula P195.9 bilyon noong 2010 na P335.4 bilyon ngayong 2014.
Aniya ito na ang pinakamataas na pondo na maaaring ibigay ng gobyerno sa DepEd sa ngayon sa Saligang Batas.
Magsasagawa ng kilos protesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) upang ihirit pa rin ang umento sa sahod.
"Samantala po nananawagan ang ating Department of Education, sa pangunguna ni Brother Armin Luistro, na maging mapag-unawa ang ating mga guro at alalahanin po nila ang kapakanan ng bilyon-bilyong mga kabataan na babalik na sa kanilang pag-aaral," wika ni Coloma said.
"At sana po ay patuloy po nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang guro nang buong sipag at katapatan na siya pong itinatanghal at ikinararangal ng buong bansang Pilipinas."