7 private schools nagsara, mga estudyante lumipat sa public

MANILA, Philippines - Sa pagbubukas ng klase ngayong araw ay pitong pribadong paaralan sa Metro Manila ang napilitang magsara habang mayroong iba pa ang na­nganganib na ring matigil ang operasyon bunsod umano nang pagbaba ng bilang ng kanilang mga estudyante na lumipat sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Eleazardo Kasilag, presidente ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators (FAPSA), kabilang sa mga nagsara ay apat na private schools sa Parañaque at tatlo naman sa Valenzuela.

Natukoy umano nila ito sa meeting na isinagawa nila nitong nakaraang linggo.

Bukod rito, nanga­nganib na rin umanong magsara ang iba pang private schools sa bansa dahil ng patuloy na pagbaba ng bilang ng kanilang mga mag-aaral na lumilipat sa mga pumpublikong pa­aralan.

Bukod dito ay problema rin ng kanilang hanay ang nagsusulputang private schools na hindi accredited ng Department of Education (DepEd).

Aminado naman si Kasilag na bagamat may impormasyon tungkol dito ay wala namang kapasidad ang DepEd na papanagutin ang mga ilegal na paaralan.

Dagdag-pasanin din aniya ng mga private school ang pag-alis ng ilang guro na mas pinipiling pumasok sa public schools dahil sa mas mataas na pasahod at humihingi pa ngayon ng umento.

Sinabi ni Kasilag na P6,000 lamang kada buwan ang sinasahod ng mga guro bilang entry level sa private schools, na napakaliit kumpara sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa ngayon aniya ay nasa tatlo hanggang 10-guro ng mga miyembro ng PAFSA ang lumilipat sa public schools taun-taon. Wala naman aniya silang magawa upang dagdagan ang sahod ng mga ito dahil hindi rin sila kaagad makapagtaas ng matrikula, na ang negatibong epekto naman ay ang pagbawas ng kanilang mga estudyante, na di makayanan ang tuition increase.

Sa mga paaralan aniya na humiling ng tuition fee increase ay kaunti lamang ang mula  sa Metro Manila at karamihan sa mga ito ay mga taga-probinsya.

Iginiit rin ni Kasilag na sakaling huminto ang kanilang operasyon ay ang mga guro at mag-aaral ang pinakaapek­tado at hindi naman ang mga private school owners, na maaaring i-convert ang kanilang mga gusali sa ibang negosyo tulad ng condo, bodega, aparment o di kaya’y ipagbili na lamang ito sa milyong halaga.

Show comments