MANILA, Philippines - Inihain na sa Kamara ni Isabela Rep. Rodito Albano III ang panukalang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Sa ilalim ng House Bill 4477 o Compasionate Use of Medical Cannabis Act, magtatayo ng Medical Cannabis Regulatory Authority na siyang magbibigay ng registry identification cards sa mga pasyenteng pahihintulutang gumamit ng medical marijuana. Hindi rin maaaring ibenta lamang kung saan-saan ang medical marijuana kundi limitado ito sa itatayong medical cannabis safety compliance facilities.
Kakailanganin din muna ng sertipikasyon ng doktor bago mapayagan ang isang pasyente na gumamit ng medical marijuana kaya kailangan dito ang kumpletong assessment para matukoy kung ang pasyente ay mayroong tinatawag na debilitating medical condition.
Ang panukala ni Albano ay katugunan sa demand ng mga pasyente at magulang ng mga pasyente na may wasting syndrome, dumaranas ng matinding sakit, sobrang pagkahilo at pagsusuka o nausea, seizures o severe muscle spasms.
Giit ng kongresista, napatunayan na sa ibang bansa na nakakatulong ang marijuana sa may sakit kaya maraming lugar sa US at European Union ang mayroon ng medical cannabis law.