Gov. ER pinababa ni Erap sa puwesto
MANILA, Philippines - Pinakiusapan ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada ang kanyang pamangking si ER Ejercito na lisanin na ang kapitolyo ngayong Biyernes ng umaga.
Sa kanyang talumpati habang katabi si Ejercito, pinakiusapan ni Estrada ang pamangkin na hintayin na lamang muna ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kanyang apela laban sa dismissal order ng Commission on Elections dahil sa overspending sa halalan noong 2013.
"Pero ngayon kailangang bumaba siya kasama ko, alang-alang sa kapayapaan at katahimikan ng ating lalawigan," ani Estrada.
Naniniwala si Estrada na kaya pa ring makabalik ni Ejercito bilang gobernador ng Laguna.
"Magbabalik ka uli bilang Gobernador ER," Estrada said.
Nagbarikada ang kampo ni Ejercito sa kapitolyo ng Laguna matapos ipanumpa ng Comelec si Vice Governor Ramil Hernandez bilang bagong gobernador ng lalawigan.
Ayon sa Comelec, umabot sa P23.5 milyon ang nagastos ni Ejercito sa kampanya noong 2013. Hanggang P4.5 milyon lamang ang pinapayagan ng batas na gastusin ng isang kandidato sa pagkagobernador.
Sa kanyang talumpati, naniniwala si Estrada na ang kanyang pamangkin ay napagdiskitahan ng Comelec dahil marami pang ibang politiko ang gumastos ng sobra sobra nitong nakalipas na halalan.
- Latest