MANILA, Philippines - Tiniyak ng Court of Appeals na tuloy na ang pagsibak sa serbisyo ng 10 opisyal ng Philippine Navy na iniuugnay sa pagkamatay ni Ensign Philip Andrew Pestaño noong 1995 matapos pagtibayin ang naunang desisyon na nagpapataw ng parusa sa mga akusado.
Sa resolusyon na sinulat ni Associate Justice Jose Reyes ng CA Former Ninth Division, ibinasura ang motion for reconsideration ng nasabing Navy officers dahil nabigo ang mga ito na maglahad ng mga bagong argumento na maaring pagbatayan ng pagbaligtad sa naunang ruling ng CA nuong October 11, 2013.
Kasama sa mga sinibak sina Navy Capt. Ricardo Ordoñez, Commander Reynaldo Lopez, Commander Alfrederick Alba, Lt. Commander Luidegar Casis, Lt. Commander Joselito Colico, Lt. Commander Ruben Roque, Machinery Repairman 2nd Class Sandy Miranda, Hospital Corpsman 2nd Class Welmenio Aquino, Petty Officer 1st Class Carlito Amoroso at Petty Officer 2nd Class Mil Leonor Y. Igacasan.
Nauna nang inutos ng Ombudsman noong Nov. 22, 2011 na sampahan ng murder sa korte ang 10 Navy officers.
Pinatawan din sila ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ng parusang pagkasibak sa serbisyo matapos mapatunayang guilty sa admiÂnistrative case na grave misconduct.
Hindi naman kasama sa dinesisyunan ng CA ang rekomendasyon na sampahan ng kasong murder ang mga responÂdent dahil nakabimbin pa ang kanilang motion for reconsideration hinggil dito sa Ombudsman.
Si Pestaño ay natagpuang patay sa loob ng kanyang cabin sa BRP Bacolod City noong 1995 na may tama ng bala ng baril sa kanang sentido.
Pinalalabas na si Pestaño ay nagpakamatay ngunit sa katagalan ay nadiskubre na may nalalaman siya sa ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng BRP Bacolod City at ito umano ang posibleng motibo sa pagpatay sa kanya.